Kampo ng mga aktibista sa Bacolod ni-raid, 62 arestado

Nasa 62 katao ang dinampot ng pinagsanib na puwersa ng mga pulis at militar sa magkakasabay na pagsalakay sa tanggapan ng limang militanteng grupo sa Bacolod City noong Huwebes ng hapon.

Isinagawa ang pagsalakay sa bisa ng search warrant sa local headquarters ng Bayan Muna, Kilusang Mayo Uno, Gabriela, Anakpawis, at National Federation of Sugar Workers.

Inaresto ang 62 katao na dinatnan ng mga awtoridad sa sinalakay na mga opisina ng mga nabanggit na grupo kung saan nakasamsam din umano ng mga armas at dokumento.

Inihayag ni Presidential Communications Ope­rations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na ligal ang isinagawang pagsalakay at mariing itinanggi ang sinabi nina Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Zarate at Bayan Negros secretary gene­ral Michael dela Concepcion na ‘itinanim’ lang ang mga armas na sinasabing nakumpiska sa mga sinalakay na opisina ng mga nabanggit na grupo.

“Acting proactively from citizens’ reports of suspected illegal possession of firearms and explosives by members of the NPA, our law enforcement authorities secured search warrants on four locations in Bacolod City,” ayon kay Andanar.

Si Andanar ang communications chief ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Kinondena naman ng Kilusang Mayo Uno at Gabriela Party-list ang isinagawang pagsalakay ng mga pulis at militar na itinaon pa umano sa bisperas ng Undas gamit ang mga kaduda-dudang search warrant at gawa-gawang ebidensya.

Naganap ang magkakasabay na pagsalakay matapos ang pagkakatalaga kay Police Lt. Col. Jovie Espenido bilang deputy director for operations ng Bacolod City Police. (w/PNA)