Kampo ni VP Leni humingi ng dagdag panahon sa PET

Hiniling din ng kampo ni Vice President Leni Robredo sa Presidential ­Electoral Tribunal (PET) na bigyan sila ng parehas na panahon at ­pagkakataon na mapag-aralan ang resolusyon nito hinggil sa electoral protest ni dating ­Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Ito’y matapos na maghain ng mosyon ang kampo ni Marcos noong ­nakaraang linggo na humihiling na ipagpaliban muna ang itinakdang 20 araw para sila’y magkomento sa inilabas ng resulta ng recount sa tatlong ­pilot ­province noong Oktubre 15.

Sa 10 pahinang urgent motion, iginiit ng kampo ni Robredo na hindi rin sapat ang binigay na 20 araw ng PET para sila ay magkomento, kasunod ng pagsilip sa resulta ng recount at mga annex nito.

Paliwanag ng kampo ni robredo, Oktubre 21, 2019 nang makakuha sila ng kopya mula nang mailabas ang resolusyon ng PET noong Oktubre 15,2019.

Bukod dito, hinihintay pa rin umano nila ang tugon sa Supreme Court sa kanilang inihaing urgent motion para payagang makakuha ng mga soft copy ng mga annex sa inilabas na resolusyon ng PET. (Lorraine Gamo)