Kampo nina Robredo, Marcos pinagsabihan sa pagsasalita sa media

Muling nagpaalala ang Supreme Court (SC) sa kampo ni Vice President Leni Robredo at dating senador Bongbong Marcos sa kautusan ng korte na huwag magsalita sa media patungkol sa anumang kaso.

Ito’y matapos ang ilang ulit nang pahayag sa publiko at media ng mga abogado ng magkabilang kampo sa nakabinbing poll protest sa Presidential Electoral Tribunal (PET).

Sa isang pahayag, idiin ni SC spokesman Atty. Brian Hosaka na dapat igalang ng mga kampo nina Robredo at Marcos ang kautusan ng Korte Suprema lalo na ang prinsipyo ng “sub judice rule”.

“Gusto ko po ulit ipaalala sa mga parties at sa kanilang mga abogado na galangin po sana nila ang utos ng korte na ‘wag magkomento o magsalita sa media tungkol sa kaso ayon sa ‘sub judice rule’,” ayon kay Hosaka.

Kasabay nito, tumanggi ang Korte Suprema na magkomento pa sa mga naging pahayag ni Atty. Romulo Macalintal na tumatayong legal counsel ni VP Robredo.

Ayon kay Hosaka, hindi pa niya nakikita o nababasa ang nilalaman ng report tungkol sa resulta ng revision at recount sa tatlong tinukoy na pilot provinces sa poll protest ni Marcos.

Ang mga mahistrado lamang din aniya ng SC ang may alam sa nilalaman nito dahil pawang confidential ang naturang mga impormasyon.

Nilinaw ni Hosaka na bilang tagapagsalita ng Korte Suprema, hindi siya basta puwede magsalita base sa mga haka-haka lamang.

“Mahirap po magkomento sa sinabi ni Atty. Macalintal dahil hindi ko pa po nakita o nabasa ‘yung report tungkol sa resulta ng recount ng tatlong pilot provinces. ‘Yung mga justices lang po ang may alam nito dahil confidential po ‘yan. Bilang tagapagsalita ng Korte Suprema, hindi po ako puwede magsalita base sa haka-haka o bali-balita po lamang. Gaya po ng korte, kailangan po ang aking sasabihin ay ayon sa batas at ebidensiya,” aniya. (Anne Lorraine Gamo)