Nagbabadyang magkaroon muli ng panibagong “California Chrome” sa pista ng Amerika at ito ay makikita kapag sumabak na sa karera ang kapatid ng pamosong double Horse of the Year sa susunod na linggo.
Para sa trainer na si Art Sherman, iisa lang ang retirado nang si California Chrome na naihatid niya sa 16 na malalaking panalo, dalawang Horse of the Year, at $14.7-million earnings sa kanyang career na nagsimula sa Hollywood Park sa Inglewood, California.
Nagsarado na ang karerahan at ngayon ay tinatayuan na ng Los Angeles Stadium para sa football, pero hindi pa rito nagtatapos ang era ni California Chrome dahil ang buong kapatid nito na si Faversham (Lucky Pulpit – Love The Chase) ay malapit nang sumabak sa laban.
Maraming pagkakahawig si Faversham kay California Chrome mula sa hitsura, attitude hanggang sa paggalaw, habang tinutukan ng mag-amang Art at Alan Sherman sa kanyang ensayo sa kanilang bagong base sa Los Alamitos Race Course.
“He has so many characteristics like him. He’s smart, he cocks his leg in the stall the same way Chrome used to, and he’s got a lot of the same habits. He loves people, he loves his cookies — if you didn’t know, you’d think it was Chrome when he was a 2-year-old. We had the horse in training for (almost four years), so it feels like longer,” ang sabi ni Art Sherman.
Wala nang kasunod pa si Faversham dahil namatay ang stallion nito na si Lucky Pulpit habang naibenta naman ang inahin nitong si Love the Chase sa halagang $1.9-million sa 2016 Fasig-Tipton November Sale.
Kamukhang-kamukha talaga siya ni California Chrome, pero ang hinihintay nilang makita ay kung meron din siyang talent na kagaya ng kanyang elder brother.