Kandidatong may wang-wang ipapadiskuwalipika sa Comelec

Irerekomenda ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde sa Commission on Elections (Comelec) na idiskuwalipika ang sinumang kandidato na paulit-ulit na hindi susunod sa direktiba ng paggamit ng sirena o ‘wang-wang.’

Ito ang sinabi kahapon ni Albayalde sa isang press conference sa Camp Crame matapos ang mga ulat na ilang mga kandidato ngayong 2019 mid-term election ang patuloy na lumalabag sa paggamit ng wang-wang lalo na sa kahabaan ng EDSA upang makaiwas sa trapik.

“This is the very reason kung bakit natin pinagbawal ‘yung wang-wang at siren dahil meron tayo nakuha na mga katakot-takot na reklamo. Mada­ming text messages na nagrereklamo na gumagamit ng wang-wang at sirens itong mga kandidato na ginagamit ‘yung ating mga kapulisan,” pahayag ni Albayalde.

Nagbabala pa si Albayalde na ang sinumang kandidato na gagamit ng wang-wang ay paparahin ng awtoridad at kung ang kandidato ay patuloy na gagamit nito sa kabila ng mga babala ay mai-impound ang kanyang sasakyan.