Suportado ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar ang mungkahing isapubliko ang pangalan ng mga politikong kandidato sa eleksyon na nasa narco-list para mabatid ito ng mga botante.
Ayon kay Andanar, kailangan ng bansa ang mga lider na malinis ang pangalan at hindi sangkot sa anumang uri ng krimen.
Karapatan din aniya ng mga botante na pumili ng karapat-dapat na mga opisyal na magbibigay ng maayos na serbisyo sa kanila.
“Dapat lang ilabas kasi ‘yun nga ‘yung number one na kalaban natin ‘di ba sa droga at ‘yun talaga ‘yung… ang national policy ng Presidente. We deserve leaders na malinis, na walang kinalaman sa droga, kriminalidad o hindi kasama sa kung anumang kalokohan,” ani Andanar.
Pero sinabi ng kalihim na si Pangulong Rodrigo Duterte pa rin ang magpapasya kung papayagang ilabas ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang listahan ng mga narco-politician na tatakbo ngayong midterm elections.
Naunang inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na mahigit 80 politikong nasa narco-list ang kumakandidato para sa darating na eleksyon sa Mayo 2019. (Aileen Taliping)