Patay ang isang konsehal sa Sto. Tomas, Pangasinan na kakandidatong vice mayor matapos pagbabarilin ng nag-iisang suspek habang papatawid ng kalsada ang biktima galing sa pagdalo ng service sa isang Born Again church sa Brgy. Poblacion East ng nasabing bayan kahapon nang umaga.

Ayon kay Police Regional Office 1 director Chief Supt. Romulo Sapitula, dakong alas-10:30 nang umaga ng maganap ang pamamaslang kay Councilor Benjamin Oculto Jr., habang papatawid ito patungo sa kanyang sasakyan.

“10:30 galing ng simbahan, ‘yung hindi Catholic Church ha, nung patawid na siya ng kalsada papunta sa nakaparadang sasakyan niya binaril siya ng suspek, may dalang armalite,” sabi ni Sapitula sa isang panayam.

Mabilis namang nakaresponde ang pulisya at inabutan ang suspek sa lugar ng insidente.

Nagkaroon ng maikling palitan ng putok hanggang sa mapilitang sumuko ang suspek na nakilalang si Jun-Jun Vidal, taga-Bataan, at nakuha sa kanya ang armalite na ginamit sa pagpatay sa biktima.

Sa ngayon ayon pa kay Sapitula, patuloy ang ginagawang interogasyon sa suspek at wala pa silang maibigay na motibo nito sa pagpatay kay Oculto dahil patuloy pa rin ang imbestigasyon.

Nakatakda sanang tumakbo si Oculto bilang vice mayor ng Sto. Tomas sa 2019 midterm election.