Kinukuwestiyon ngayon ang Sech Kies member na si Kang Sung Hoon.

Nagbebenta umano ito ng mga mamahaling items sa isang second hand online shop. Wala sanang problema o isyu, pero, nag-react ang mga fan na diumano’y nagregalo sa singer ng mga naturang items.

Branded ang mga item tulad ng collar dog ng Louis Vuitton. Nakita ng fan ni Kang Sung Hoon ang mga item na ibinebenta ng seller. Ayon sa fan, nag-iisa lang ang LV collar dog na ‘yun sa bansang South Korea na iniregalo niya.

Nakalagay rin daw sa second hand shop na “The last one in the country.”

Siyempre, na-feel bad ang fan na nagbigay at kung tama nga ang hinala nito. Bukod sa naturang LV item, binebenta rin daw ng singer ang mga sapatos, accessories at bags na bigay rin sa kanya ng mga fan.

Dahil sa pangyayaring ito, nagde-demand ng explanation o paliwanag mula kay Kang Sung Hoon ang mga fan.

Pero mas lalong lumalim ang hinala sa singer dahil bigla na lang daw nawala ang seller pagkatapos na may mga maglabasan na suspicion. Pero kung akala ni Sung Hoon na matatapos sa ganito ang isyu, nagkakamali siya dahil mas lalong naghinala ang mga fan na ibinenta umano ang kanilang mamahaling regalo.