Habang nalalapit ang itinakdang petsa ng pamilya Marcos sa paglilibing ng dating diktador sa Libingan ng mga Bayani, isang magandang senyales ang kahandaan ni Pangulong Rodrigo Duterte sumunod, anuman ang desisyon ng Korte Suprema rito.
Mula sa pagiging palaban sa liderato ng Korte Suprema, naging mahinahon ang Pangulo – ito’y humingi ng paumanhin kay Chief Justice Lourdes Sereno, isang pagpapakita ng respeto sa hudikatura, magkaiba man ang kanilang paniniwala sa pamamaraan upang sugpuin ang iligal na droga.
Sa pamamagitan ng kanyang “ka-double” — si Presidential Spokesperson Ernesto Abella, nagkakalinaw ang posibleng pagpabor ng Korte Suprema sa petisyon upang harangin ang paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani.
Napakainit ang usapin sa Marcos burial at tanging Korte Suprema ang huling takbuhan ng mga kontra sa plano ni Duterte. Sa ipinakitang paglambot ng Malacañang sa isyu — ang pag-sorry kay Sereno at pagyuko sa posibleng Temporary Restraining Order (TRO), napakaimposibleng walang “advance information” ang mga ito?
Mismong si Duterte, aminadong hindi bayani si Marcos, alinsunod sa huling interview at tanging kinikilala ang karapatan ng dating diktador bilang sundalo at Pangulo kung bakit pinapayagan nitong ihimlay sa Libingan ng mga Bayani — hindi sa anumang nagawa sa bayan nito.
Kung tutuusin, dapat pa ngang magboluntaryo ang pamilya Marcos na tanggihan ang alok ni Duterte kung kaibigan ang tingin sa Pangulo, aba’y nalalagay sa alanganin ang imahe nito at sila pa ang nagiging dahilan kung bakit muling nagkakahati-hati ang sambayanang Pilipino. At kalokohan kung hindi alam ng pamilya Marcos na maaring maapektuhan ang popularidad ng Pangulo.
Hindi lang ‘yan, dapat pang mahiya ang pamilya ni Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., aba’y mismong sa bibig ni Duterte nagmula ang paglalarawang ipinahamak ng inang si Imelda ang magandang liderato ng ama nito. Take note: Makailang-beses binanggit ni Duterte ang alegasyong “pahamak” si Imelda kay Macoy subalit meron bang nagsalita sa mga ito?
Nanalo at ibinoto si Duterte ng mas nakakaraming Pilipino dahil sa kahusayan bilang mayor; hindi man kataasan ang grado sa law school, malinaw ang pagiging talented sa public service at matalinong abogado; alam niya kung saan nararapat lumugar sa bawat isyu. Pansinin ang diskarte simula nang maupo sa palasyo, hataw sa kaliwa, sabay depensa sa kanan.
Kaya’t mahirap husgahan ang diskarte ni Durterte sa Marcos burial –pagkatapos papurihan si Marcos bilang pinakamagaling na Pangulo, animo’y pasimpleng binigwasan ang pamilya ni Bongbong sa alegasyong pahamak ang ina sa ama nito — kung ikaw ang makakarinig ng ganitong pananalita, hindi ba’t mas gugustuhin mong huwag na lang tanggapin ang alok ng Pangulo?
Kung ‘di pa napapansin ni Bongbong, bakit nabigyan ng cabinet post si Vice President Leni Robredo lalo pa’t may naunang statement si Duterte walang makukuhang posisyon; bakit pumapayag ang Pangulo na lantarang kuwestyunin ni senador Alan Cayetano ang planong pagpapalibing kay Marcos, maging si Senate President Koko Pimentel na parehong kaalyado?
Sa husay at talino ni Duterte, ayokong isiping estratehiya ang pagpapalibing para mapagbigyan ang pamilya Marcos, anuman ang naitulong nakaraang kampanya ng mga nito dahil ang dulo ng senaryong ito — Korte Suprema ang makakasagot.
Sa ganitong senaryo, panalo ang lahat ng kampo — hindi nakabawas sa popularidad ng Pangulo, napahupa ang tensyon at sa malamang baka mauna pang tanghaling “bayani” si Bongbong ng kasalukuyang henerasyon kung sa Batac ihimlay ang ama nito. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter:follow@dspyrey)