Magandang araw mga kasabong, may nadaanan akong umpukan at ang usapan ay manok sa parte ng Iloilo, nakaraan kasi nag-cover ako 9th LBC Ronda Pilipinas 2019, nagsimula sa Iloilo City at natapos sa Antique.
Nakarating ako ng Iloilo noong Pebrero 6, pero Peb. na nagsimula ang padyakan kaya nagkaroon ako ng pagkakataong mag-ikot sa paligid pagkatapos tumipa ng mga istorya para sa Abante at Abante TONITE.
Nahintuan ko ang anim na katao na nagkukuwentuhan tungkol sa manok at habang lumalagok ako ng softdrinks ay nakikinig ako. Pinagtatalunan nila kung dapat bang sabihin kung saan nanggaling yung manok kapag nanalo ka sa isang derby.
May sumagot ng “hindi na”, kasi binili na raw yung manok at ikaw na ang may-ari at katwiran niya na baka puntahan pa nila yung binilhan at sila na ang makinabang.
Ang sagot naman ng iba ay dapat sabihin kung saan nanggaling ‘yung manok o saan binili para makatulong ka sa breeder.
Banat ng iba, “Eh di yung breeder pa ang sisikat at hindi ‘yung nag-champion.”
Gusto kong sumabat sa usapan pero hindi tayo taga roon at baka masamain pa, sa totoo lang pareho silang may katwiran at alam naman ko kung ano ang nais nilang sabihin.
‘Yung isa “Honest” at gustong makatulong sa breeder, ‘yung isa naman gusto magpaikot sa sabungan, siyempre champion.
Mas maganda mag-breed ka ng sarili at saka mo ilaban, kapag nag-champion ka e di Wow!
***
Congratulations sa mga nanalo sa katatapos na LBC Ronda 2019, Si Tour de France veteran Francisco Perez Mancebo ng team Matrix Powertag Japan ang nagkampeon, pangalawa si last year’s ruler Ronald Oranza ng Philippine Navy-Standard Insurance.