Nagwakas ang pagtatago ng isang Amerikanong pugante sa mga awtoridad ng State of Minnesota nang mahuli ito ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa kaso ng child pornography.
Nakakulong ngayon sa immigration detention cell sa Taguig City ang suspek na si Gary Jaime Dokulil, 40-anyos, na naaresto noong Biyernes sa tinutuluyan nito sa Angeles City, Pampanga.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, hiniling ng US Embassy ang tulong ng ahensiya upang mahanap si Dokulil makaraang ibaba ng korte sa distrito ng Minnesota ang pag-aresto sa suspek noong Enero 17.
Nabatid na nagpunta sa Pilipinas si Dokulil noong Enero 11, anim na araw bago ilabas ang warrant of arrest laban sa kanya.
“He must have sensed his impending arrest. This prompted him to flee his hometown,” dagdag pa ng opisyal.
Dagdag pa ni Morente, ipade-deport na ang dayuhan dahil sa maaaring panganib nito sa seguridad at kaligtasan ng mga Pilipinong kabataan na maaaring mabiktima pa nito.