Binigyan ng Department of Justice (DOJ) ang founder at president ng Kapa-Community Ministry na si Joel Apolinario at kanyang mga kapwa respondent ng mahabang oras para tugunan ang reklamo na inihain laban sa kanila ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sa ginanap na preliminary investigation nitong Miyerkoles, binigyan ng DOJ panel of prosecutors si Apolinario at ang kanyang kapwa respondent ng hanggang Oktubre 7 para maghain ng kanilang kontra-salaysay.
Ayon kay Assistant State Prosecutor Maria Lourdes Uy, maaari silang magsumite ng kanilang kontra-salaysay sa mga prosecutor ng kani-kanilang probinsya sa Mindanao.
Sa tulong naman ng kanilang abogado ay direktang isusumite ang pinagsama-samang dokumento sa DOJ.
Oras na maisumite ang kanilang counter-affidavit ay isusumite na ang resolusyon ng kaso sa parehong Oktubre 7.
Bukod kay Apolinario, kinilala ang mga respondent na sina KAPA corporate secretary Reyna Apolinario; treasurer Modie Dagala; directors Benigno Tipan Jr., Marnilyn Maturan, Ricky Taer, at Margie Danao; at incorporators na sina Nonita Urbano, Junnie Apolinario, Nelio Nino, Maria Pella Sevilla, Jouelyn Del Castillo, Cristobal Barabad, at Joji Jusay. (Lorraine Gamo)
KAPA tinaningan para sumagot sa kaso
