May ilang sektor na nagpapakilalang cause-oriented group na identified na maka-‘kaliwa’ ang walang humpay sa pagkilos upang gambalain ang mga isinusulong na proyekto ng Duterte Administration.
Isang halimbawa rito ay ang pag-pressure sa gobyerno para maantala ang pag-apruba sa nakabinbin pa ring power regulations para mas mapalawak ang serbisyo ng kuryente at enerhiya ng bansa.
Ang mga banat ni Bayan Muna Partylist Representative Isagani Zarate, sa paggiit nito sa Energy Regulatory Commission (ERC) na magsagawang muli ng review sa naunang ‘petisyon’ na ipatigil ang pag-aapruba sa Power Supply Agreements (PSAs) ay lumang ‘tugtugin’ na kahit ilang ulit nang lumabas sa media ay napatunayang walang sapat na basehan.
Mahigpit ang pagtutol ni Rep. Zarate sa balita na ang distribution utility ay positibo na ang energy body at nagpapahintulot sa PSA para sa 300MW na power plant project sa lalawigan ng Quezon.
Nauna rito, ang consumer group na Alyansa para sa Bagong Pilipinas (ABP), isa pang organisasyon na identified na leftist group, ay humiling sa Korte Suprema upang magpalabas ng temporary restraining order (TRO) para tutulan ang PSA.
Subali’t may nakikita tayong nakatagong motibo sa kanilang mga pagkilos. Ang totoo, ang pagharang sa implementasyon ng pag-apruba sa PSA ay magdudulot ng malaking balakid sa pagsusulong at pagtatayo ng mga baseload power plants.
May malaking epekto ito sa baseload requirements ng ating bansa para sa hinaharap hanggang sa taong 2040.
Kapag hindi ito natugunan, magiging balakid ito sa magagandang plano ng economic team ni Pangulong Duterte sa kanilang isinusulong na ‘build, build, build’ slogan alinsunod sa ‘Duternomics’ program para pasiglahin ang construction at infrastructure projects na naglalayon na iangat ang ekonomiya ng bansa.
Ang akusasyon ni Zarate at ilang consumer group na humaharang sa seven (7) generator ng PSA kasama na ang Meralco ay hahantong sa malaking problema sa kuryenre sa hinaharap.
Ang PSA ay sasaklaw sa 3,551 MW of baseload supply para maging sapat ang power requirements sa mahigit sa limang milyong consumer ng elektrisidad sa susunod na tatlo hanggang limang taon.
Mukhang may ibang mas “malalim” na agenda itong si Rep. Zarate, at hindi ang kapakanan ng milyun-milyong power consumer ang kanyang pinapaburan?