Kapalit ng testimonya vs De Lima, Rafael Ragos balik NBI

Bilang pabuya sa kanyang testimonya laban kay Senador Leila de Lima, muling itinalaga sa National Bureau of Investigation si dating Bureau of Corrections (BuCor) officer-in-charge at NBI deputy director Rafael Ragos alinsunod sa ibinabang kautusan umano ni Justice Secretary Menardo Guevarra.

“Just give him a desk,’ ang tugon umano ni Guevarra nang tanungin ni NBI director Dante Gierran kaugnay ng status ni Ragos na nagtungo sa kanyang tanggapan noong Lunes.

Ilang buwan na ang nakakalipas nang idiin ni Ragos sa witness stand si De Lima kaugnay ng kaso nito sa droga. Hinihingi umano nito ang dating puwesto bilang deputy director dahil malaki ang naging impact ng kanyang testimonya sa conviction sa kaso ang senadora, ayon sa source ng online news Politiko.

“We always suspected that he will be rewarded in exhange of his testimony that he allegedly handed millions of pesos to Ronnie Dayan in De Lima’s house in Parañaque, while she as the Justice secretary,” ayon sa isang opisyal ng NBI na ayaw magpabanggit ng pangalan.

Ayon sa ilang source, matagal na umanong sinasabi ni Ragos na babalik siya sa NBI bilang deputy director for intelligence, ang huling puwesto na hinawakan nito bago pa siya natanggal sa NBI nang umupo si Presidente Duterte.

“I am the only key to the conviction of Leila, without my testimony she (Leila) will be released. I have been promised of my previous position if I testify in court what I said in the Senate hearing,” sabi pa umano ni Ragos sa isang opisyal ng NBI.

Hindi na umano bumalik si Ragos sa NBI nang sabihan ito ng mga empleyado na walang bakanteng posisyon sa Office fo the Director.

“Sinabihan na siya na wala pang space, and was also asked if he could bring with him the written order of Guevarra before they will officially put his name back on the roster,” lahad pa ng NBI insider.

Nauna na ring ibinunyag ng kampo ni De Lima ang kasunduan ng DOJ at ni Ragos kapalit ng testimonya nito sa korte.

Si Ragos ang tumayong state witness laban kay De Lima makaraang maalis ito sa hanay ng mga akusado kasunod ng kanyang pagsuko sa NBI. (Nancy Carvajal)