Kapatawaran nina Divine- Delfin kulang kay Sarah

Napakaganda ng pangarap ni Sarah Geronimo. Maligaya siya ngayon kasama ang kanyang asawang si Matteo Guidicelli, walang kuwestiyon du’n, pero magiging buo lang ang kanyang kaligayahan kapag natanggap na sila ng kanyang mga magulang.

Mahirap ang posisyon ni Sarah ngayon. Oo nga’t natupad ang pagpapakasal nila ni Matteo ay bumabagabag sa kanya ang nararamdaman nina Daddy Delfin at Mommy Divine.

Mabait na anak at kapatid pa naman si Sarah, sa pinakamahabang panahon ay inuna muna niyang tuparin ang pangarap niya para sa kanilang pamilya, isinantabi niya muna ang personal na kaligayahan.

Lumaki na siya at nagkaisip na ang mundo niya ay ang kanyang pamilya lang, nalalabas na lang siya sa hawla nang mag-artista siya, pero unang prayoridad pa rin ng singer-actress ang kanyang mga magulang at kapatid.

Siguradong masaya man siya ngayon kasama si Matteo ay nasa likod pa rin ng kanyang isip ang pamilya niya. Ibang-iba kasi ang relasyong may basbas ng mga magulang. Kumpletong kasiyahan ang pakahulugan nu’n.

Ang pangarap ngayon ni Sarah ay dumating na sana ang araw na malaya na silang puwedeng makipagkita sa mga magulang niya.

Sinunod niya lang ang kanyang personal na kaligayahan, nasa wastong edad na siya para mag-asawa, pero ang panghihingi ng paumanhin sa kanyang mga magulang ay hindi maituturing na krimen.

May matinding dahilan naman kung bakit nila inilihim ni Matteo ang kanilang pagpapakasal, kundi nila ginawa ‘yun ay wala nang paraang matupad ang kanilang planong matagal na, pero nasaktan nila sina Daddy Delfin at Mommy Divine.

At kapag may nasasaktan at kailangang may gumawa ng paraang mag-sorry. Kahit pa nagmamatigas ang kabilang kampo ay hindi tayo dapat magsawa sa pakikipagkita sa gitna.

Kapag nangyari ‘yun ay saka pa lang natin masasabing maligayang-maligaya nga si Sarah Geronimo sa kanyang estado ngayon bilang misis ni Matteo.

Lani ‘di alipin ng make-up

Mas maganda si Lani Misalucha kapag manipis lang ang kanyang make-up. Kapag simpleng-simple lang ang kanyang ayos. Nawawala ang tapang ng kanyang itsura.

Maraming nagbago sa mukha ng magaling na singer, hindi niya naman ‘yun maitatago, napakalayo ng kanyang itsura nu’n sa ngayon.

Pero kahit ang mga kaibigan naming matagal nang naninirahan sa Las Vegas na nakakasabay ni Lani sa paggo-grocery ay nagsasabing mas maganda siya sa personal.

Kuwento ng aming kaibigan, “Nakakatawa nga. Pinanood namin siya isang gabi. Ang galing-galing niyang mag-perform, may pagkakomedyante pa nga siya, kaya no dull moment talaga watching her.

“So, siya ang naging kuwentuhan namin sa bahay pag-uwi namin hanggang nu’ng next day. Magaling talaga kasi siya, hindi sayang ang ipinambayad namin ng ticket sa show niya.

“Heto na. Nag-grocery kami nu’ng bandang hapon na. Nakita si Lani ng anak ko, nandu’n daw sa meat section. Hinanap namin siya, kasi nga, we just watched her the previous night.

“Nagulat kami! Naka-duster lang siya, ‘yung presentableng duster naman, saka nakatsinelas lang siya. Nakapusod ang buhok, napakasimple niya!

“Sinabi namin sa kanya na pinanood namin siya, naku, sobra ang pasasalamat niya sa amin, tanong siya nang tanong kung nagustuhan ba namin ang performance niya.

“Nagpa-picture kami sa kanya, wala siyang arte, pose siya agad, napaka-generous niya. Mas maganda siya kapag simple lang, saka napaka-approachable niya,” kuwento ng aming kaibigan.

Nu’ng isang linggo ay napanood namin siya sa ASAP Natin ‘To, nasa bahay lang siya habang kumakanta, konting-konti lang ang make-up niya.

Totoo nga ang sabi ng aming kaibigan, mas maganda si Lani Misalucha kapag simpleng-simple lang ang ayos niya, hindi pala siya alipin ng make-up.