Kamakailan panau­hing pandangal sa Kampo Aquinaldo si Al Haj Murad Ebrahim, Chairman ng Moro Islamic Libreration Front (MILF).
Makasaysayan ang pagbisitang ito. Bukod sa ito ang unang pagkakataon na nakapasok sa Aguinaldo ang isang mataas na lider ng rebeldeng Moro, hudyat din ito ng pagtatapos ng bakbakan sa pagitan gobyerno ng Pilipinas at ng MILF na dekada rin ang itinagal.
Matagal man, mapusok at madugo ang daan na tinahak tungo sa pagkakaroon ng kapayapaan sa Min­danao naganap din ang pinakamimithi, ang tigil-putukan.
Bagama’t sa grupo lamang ito ng MILF, ang tigil-putukan ay malaking bagay para sa puwersa ng gobyerno. Ang mga ‘security for­ces’ ay makaka-‘focus’  sa pagsawata sa iba pang pang armadong grupo na banta sa katahimikan at seguridad ng bansa lalo na sa rehiyong Mindanao.
Ngayong nasa panig na ng gobyerno ang MILF, ang problema at bantang dulot ng iba pang grupo tulad ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF), Abu Sayyaf, Maute Group at mga grupong ISIS na nagkalat sa Mindanao ay matutukan na ng militar at mga pulis.
Ngayong buhos ang mga ‘development at infrastructure project’ sa Mindanao napakahalagang magpatuloy lamang ang kapaya­paan sa rehiyon. Ang banta ng iba pang armadong grupo ay mataas anumang miskalkulasyon o tangkang pagdiskaril sa kasunduan sa pagitan ng gobyerno at MILF ay hindi dapat mangyari at payagan.
Hindi maiaalis na mayroong grupo na mananabotahe para lamang masira ang kasunduan sa pagitan ng magkabilang panig. Hindi dapat payagan na may manabotahe. Sa pagbisita ni Murad sa kampo Aguinaldo napagkasunduan na magtulungan ang dalawang puwersa para mapanatili ang mga nakamit sa usapang pangkapayapaan.
Pagkakataon na rin ito upang maka-focus ang gobyerno sa lubusang rehabilitasyon ng Marawi na sinira ng bakbakan. Mahi­git isang taon na ang nakalilipas matapos ideklarang tapos na ang ‘giyera sa Marawi’
hanggang ngayon ang mga Taga-Marawi ay hindi pa rin nakakabangon. Sa kabila na buhos ang mga tulong mula sa ‘international community’ hindi lamang mula sa gobyerno, limitado pa rin ang kilos ng mga tao, hindi tuloy maiwasan ang tanong na manunumbalik pa kayang muli ang ganda at katahimikan, bago pa maganap ang ‘giyera sa Marawi’.
May nagtatanong rin, ano ba talaga ang dahilan at bakit sinibak ni PDU30 si Atty. Falconi Millar bilang pinuno ng Task Force Bangon Marawi? Isyu ba talaga ng katiwalian o may iba pang dahilan?