Ipinagdiriwang natin ngayong araw ang Pista ng Panginoong Hesus, ang Banal na Sanggol o mas kilala bilang Santo Niño. Kasabay ng pagdating ng imahen ng Santo Niño ay siya ring pagdating at pag-usbong ng Kristiyanismo sa ating bansa sa halos 500 taon na.

Matatandaan, handog ni Magellan kay Raha Humabon at kanyang asawa ang imahen ng Santo Niño nang dumaong ang mga Kastila sa ating mga dalampasigan noong 1521. Sa kasaysayan ng Pilipinas, samakatuwid, may espesyal na koneksiyon ang Sto. Niño sa ebanghelisasyon ng bansa.

Dahil sa malawakang debosyon sa Banal na Sanggol sa buong bansa, nagbigay ng pahintulot ang Roma na magkaroon ng sariling pagdiriwang ang Pilipinas sa karangalan ng Sto. Niño tuwing ikatlong Linggo ng Enero.

Sadyang katangi-tangi ang selebrasyon ng nasabing Pista para sa mga Pilipino hindi lamang dahil sa alaala ng simula ng Pana­nampalatayang Katoliko sa bansa kundi dahil sa mga katotohanang nakapaloob at ipinapahayag natin sa pamamagitan nito.

Binibigyang diin sa Pista: Una, na si Hesus ay tunay na Diyos kahit na noong Siya’y bata pa. Nagkatawang-tao ang Panginoon na ating Hari at Tagapaglikha. Ikalawa, na si Kristo ay tunay na naging isang maliit na bata, tanda ng pagpapakumbaba na dapat nating tularan.

Saad ni Bishop Teodoro C. Bacani, Jr.: “As disciples of the Lord, we want to hold these two truths together. We want to proclaim that Jesus is truly God. He is all-powerful and holds the turn of events in the palm of his hands.” Hawak daw ng Diyos ang ating buhay sa Kanyang mga kamay at hindi niya tayo pababayaan.

Paliwanag ng Obispo, “He holds your life and mine, and the history of our country in his hands, which though little, are the hands of the Son of God, the hands of God. That is why we must never loose hope no matter what happens, and we should always work to make things better because we are in the hands of God!”

Paanyaya at hamon daw sa tanan bilang mga miyembro ng ‘Komunidad ng mga Disipulo’ ni Kristo na magkaroon ng natatanging pagpapahalaga sa mga mahihina, viz. mga dukha at sawimpalad ang pakikiisa at pakikipamuhay ni HesuKristo sa mga ‘lost, least and last’ ng lipunan.

Ngayong araw, ina­anyayahan ng Simbahan ang lahat ng Katoliko sa bansa na ipagdiwang ang Kapistahan ni Santo Niño nang may nag-uumapaw na galak at pasasalamat, hindi kinakalimutan o isinasantabi ang kapakanan at panga­ngailangan ng mga mahihirap na pinili ng Diyos na makapiling at makasama.

Pithaya ng Iglesia na magbunga ang ating debosyon ng pagmamalasakit sa mga malilit sa paligid at piling natin.

Viva! Pit Señor, Sto. Niño!