Natuon ngayon ang atensiyon ng publiko sa magkasunod na pamamaslang kina Tanauan City Mayor Antonio Halili at Mayor Ferdinand Bote ng General Tinio, Nueva Ecija.

Headline sa ‘major newscast’ ng mga radyo at telebisyon ang brutal na pamamaslang kina Halili at Bote. ‘Banner headline’ sa lahat ng pahayagan sa buong bansa.

Ang ‘social media’ hindi rin nagpahuli, kumalat sa ‘internet’ ang mga ‘video footage’ ng karumal-dumal na krimen.

***
Nawaglit pansamantala sa mata ng publiko ang araw-araw na kalbaryo ni Juan dela Cruz tulad ng mataas na bayarin sa kuryente at tubig, mahal na bilihin at renta sa bahay, bukod pa ang gastos sa ‘cellphone load’ na agad nauubos kahit hindi nagagamit.

Nawala rin sa umpukan sa mga kanto ang usapin ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan nina PDu30 at Simbahang Katoliko. Sa ‘inside page’ naman ng mga pahayagan bumagsak ang mga insidente ng pag-aresto sa mga ‘tambay’.

Kung hindi nangyari ang karumal-dumal na pamamaslang kina Mayor Halili at Mayor Bote, malamang ang bil­yong pisong halaga na hinahanap ng Commission on Audit sa mga ahensiya ng gobyerno ay pinuputakti ngayon sa mga talakayan.

Ang pagpaslang kina Mayor Halili at Mayor Bote, ay nagbalik alaala sa mga alkaldeng napatay sa panahon ng administrasyong Duterte.

Sa bawat insidente ng pamamaslang, agad may binuong Special Investigation Task Group para mag-imbestiga.
Ano na kaya ang update sa mga binuong Task Group na ito?

***
Tiyak ilang araw ding magiging laman ng balita ang brutal na pamamaslang kina Halili at Bote.

Pagkatapos nito – huwag naman sanang masundan pa – balik ulit sa totoong buhay ang mga Filipino, lalo na ang mga taga-Metro Manila. Makikita ang lubak na mga kalsada dahil sa matinding baha. Ang mga pampublikong ospital ay dagsa ng mga naapektuhan ng ‘leptos­pirosis’.

Ang pila sa mga ‘local social welfare department’ ay tila dumoble, nanghihingi ng tulong dahil ang ‘unconditional cash transfer’ na natatanggap ay kulang pa.

***
Higpitan pa ang mahigpit ng sinturon. Kaaanunsiyo lamang ng Philippine Statistics Authority (PSA) na tumaas ang ‘inflation rate’ 5.2 percent, pinakamataas sa nakalipas na 5 taon.

Kapit lang, lilipas din ang bagyo.