Kapit lang!

Spy on the job by Rey Marfil

Nitong nakaraang Martes, ipinatupad ng mga oil company ang isa sa pinakamalaki nilang one time-big time price hike sa mga produktong petrolyo na umabot sa P1.60 per liter sa premium gasoline. Ang masakit pa sa bangs nito, mukhang magtutuloy-tuloy pa ang pasakit sa mga darating na araw.

Noon lang nakaraang linggo, nagpatong din ng higit P1 per liter ang mga oil company sa kanilang produkto. Kaya naman sa ngayon, naglalaro na sa P55 hanggang P60 per liter ang gasoline, samantalang nasa P40 habang P45 per liter naman sa diesel. Ang nakapagtataka, may ilang gasoline station na nakapagbebenta ng mas mababa ng P2 hanggang P3 per liter ng kanilang produkto.

Tanong ng ating kurimaw na suki ng padyak, kung nagagawa ng ibang gas station na magtapyas ng presyo nila, bakit ang iba hindi? O baka naman daw kaya mas mura ang gas ng iba eh kulang naman sa sukat o baka may halo? Hindi naman siguro. Pero para makatiyak, dapat siguro na regular ngayon na magsagawa ng pagsusuri o iutos ni President Mayor Duterte na i-check ang mga gas station para maprotektahan ang mga motorista.

Mukhang magpapatuloy pa nga ang pagsirit sa presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa mga problemang kinakaharap ng ilang bansa na pinagmumulan ng krudo gaya ng Iran at Venezuela. Bukod diyan mga tsong, nananatiling mahina ang piso kontra sa dolyar kaya natural na mas mataas din ang halaga ng pagbili sa imported na produkto.

Kamakailan nga lang, mantakin ninyo na pu­malo sa pinakamahinang halaga ang piso natin sa nakalipas na 12 taon na P52.465 vs $1. Noong July 2006, ang pinakamahinang halaga ng piso vs dollar ay naitala sa P52.745 vs $1. Aba’y tanong uli ng ating kurimaw, hindi ba’t maganda naman daw ang ekonomiya natin, eh bakit hikahos ang piso?

Habang problemado ang mga motorista na karaniwang manggagawa na walang taas sa suweldo, tiba-tiba naman ang gobyerno dahil mas lumalaki rin ang nakukubra nila sa ipinataw na 12 percent tax sa ilalim ng TRAIN Law. Mas malaking konsumo ng motorista sa gas, mas malaking buwis ang makukuha nila kaya huwag umasang isususpende nila ang paniningil ng naturang buwis.

Maaari lang masuspende ang tax sa krudo kapag umabot na sa $80 per barrel ang halaga nito na nakasaad mga tsong sa TRAIN Law. Sa ngayon, tinatayang na $77 per barrel na ang halaga ng krudo sa pandaigdigang merkado.

At kapag mahal ang gasolina, asahan na magmamahal din ang ilang produkto na ibinabiyahe mula sa malayong lugar. Idagdag pa natin ang nakaamba ring dagdag singil sa pamasahe na posibleng umabot sa P10 mula sa kasalukuyang P8.

Huwag ding kalimutan na gumagamit din ng krudo ang ilang pinagkukunan natin ng suplay ng kuryente kaya huwag magtaka na tumaas din ang singil sa kuryente. Malamang din magmahal pa ang mga tindang ulam at kanin sa mga ka­rinderya at turo-turo na kainan ng mga nagtitipid. Kung hindi man sila magtaas sa presyo ng pagkain, tiyak na babawasan nila ang takal ng kanin at lalo pang kokonti o liliit ang ulam.

Abangan natin kung ano ang gagawin ng mga magagaling nating mambabatas at opisyal sa gobyerno sa usaping ito ng oil price increase. Kung hindi man sila apektado ng mahal na gasolina dahil malaki ang kanilang mga suweldo at marami silang kinikita, tandaan ang kanilang pangalan kapag kumandidato sa 2019 elections. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”