Kapitan, 15 iba pa iimbestigahan sa ECQ birthday party

Sasailalim sa imbestigasyon ang isang barangay chairman at 15 iba pa sa Calasiao, Pangasinan dahil sa pagdalo diumano ng mga ito sa isang birthday party at pag-inom ng alak na paglabag sa pinatupad na enhance community quarantine (ECQ).

Nireklamo si Brgy. Poblacion East chairman Severino Tuazon at mga kasama nito na sangkot sa insidente. Nang beripikahin ng pulisya, nabatid na naganap ito noong Mayo 9 at pinost sa social media ang mga larawan dito noong Mayo 10.

Madedemanda din umano ang 15 pang suspek na dumalo sa nasabing birthday party kasama ang birthday celebrant dahil sa paglabag sa guideline ng ECQ partikular ang physical distancing, social gathering, at liquor ban.

Dagdag pa ng pulisya, maliban sa kasong isinampa nila sa mga suspek, magkakaroon din ng hiwalay na demanda ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa barangay chairman at sa iba pang sangkot sa insidente. (Allan Bergonia)