Paghihiganti ang umano ay nakikitang dahilan sa pananambang at pagpatay sa isang barangay chairman sa Lungsod ng Caloocan kamakalawa ng hapon dahil sa marami na umano itong naipakulong na mga tulak ng droga sa kanilang lugar.
Sa ulat ng Caloocan City Police – Station Investigation Division Management Branch (SIDMB) partikular na nina SPO2 Frederick Manansala at PO3 Michael Olpindo ay ganap umanong alas-3:45 ng hapon nang maganap ang insidente sa loob mismo ng Prolly Junk Shop na matatagpuan sa Baltazar Street, 6th Avenue, Brgy. 53 ng nasabi pa ring lungsod na pagmamay-ari mismo ng biktimang si Barangay Chairman Prolly Bolo Banaria, 42-anyos na residente ng 2nd Street, 4th Avenue, Brgy. 118, BMBA Compound ng parehong lugar.
Nakikipagusap pa umano ang biktima sa kanyang mga trabahador nang dumating ang apat na mga salarin na tig-dalawang magkakaangkas sa dalawa ring motorsiklo na pawang mga naka-suot ng fullface na helmet, nagmamadaling pinuntahan ng mga ito ang biktima sa isang tent sa loob ng bakuran ng junk shop kung saan naroroon ding kausap niya ang kanyang mga trabahador at walang anu-anong sabay-sabay nilang pinagbabaril ang kapitan.
Matapos na masiguradong wala nang buhay ang biktima ay agad ding nagsisakay na muli sa kani-kanilang mga motorsiklo ang mga salarin at kanya-kanyang karipas ng pagpapatakbo nito patakas sa hindi na nalaman pang direksiyon, napagalaman din mula sa mga kaanak at mga kalugar ng biktima na marami na umanong naipakulong na mga taong sangkot sa iligal na kalakaran ng ipinagbabawal na gamot ang biktima at marahil ay binalikan siya ng mga ito.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng pulisya hinggil sa posibleng motibo sa pamamaslang sa biktima gayundin ay upang malaman kung sino ang nasa likod ng nasabing pagpatay.
Sige iboto nyo sa susunod ang mga desente ng lumaganap ulit ang droga.