Arestado ang barangay chairman ng Gango Libona, Bukidnon matapos makuha sa kanyang bahay ang iba’t ibang matataas na kalibre ng armas kahapon ng umaga.

Ayon kay Capt. Joe Patrick Martinez, tagapagsalita ng 4th Infantry Division ng Philippine Army, dakong alas-siete ng umaga nang isagawa ng mga tauhan ng 4th Infantry Division ng Philippine Army at Police Regional Office 10 ang pagsalakay sa bahay ni Bgy. Chairman Eliazar Ebona.

Ikinasa ang pagsalakay makaraang mag-isyu ng search warrant ang korte para sa kasong illegal possession of firearms laban kay Ebona.

Sa ulat, binabantaan daw ng kapitan ng barangay ang mga residente sa lugar sa pamamagitan nang pagpapakita ng kanyang mga armas upang hindi mahinto ang kanyang umano’y ilegal na pagmimina sa lugar.

Nakuha sa bahay nito ang isang M16 rifle, isang AK47 rifle, tatlong M22 rifle, isang caliber 45 pistol, isang 9mm pistol, isang Kevlar, isang vest at mga bala ng nasabing armas. Nakuha rin ang nasa limang kilo ng hinihinalang ammonium nitrate.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng CIDG-Region 10 ang suspek at nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 10591 at RA 9516.