Todas ang isang barangay chairwoman matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek habang nanonood ng telebisyon sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Pangao-aoan West, Aringay, La Union, Martes ng gabi.

Kinilala ng Aringay Police Station (APS) ang biktimang si Lourdes Parotina, 66, may-asawa, barangay chairwoman ng nasabing barangay.

Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente pasado alas-otso ng gabi.
Nagpapahinga ang biktima at nanonood ng TV sa kanilang sala nang biglang pumasok ang suspek na naka-green bonnet at pinagbabaril si Parotina sa katawan at ulo.

Matapos ang pamamaril ay agad nang tumakas ang suspek.
Itinakbo ang biktima sa La Union Medical Center ngunit idineklara siyang dead-on-arrival.

Hindi pa matukoy ang motibo sa pamamaril ngunit tinitingnan ng pulisya ang anggulong personal o may kinalaman sa trabaho ng biktima bilang barangay chairman. (Allan Bergonia)