Isang 18-anyos na binata ang inaresto ng mga pulis matapos na puwersahang kunin ang smartphone ng kanyang kapitbahay at binugbog pa ito nang tumangging ibigay ang gadget, sa Malabon City kahapon nang madaling-araw.

Pasado alas-dos nang madaling-araw nang mangyari ang insidente sa bahay ng biktimang si Earl Kristoffer Vera Cruz, 18-anyos, na nakatira sa Manapat St., Brgy. Tañong, Malabon.

Naglalaro sa kanyang smartphone ang biktima nang pumasok sa loob ng kanilang bahay ang suspek na si John Miguel Reyes at puwersahang kinuha ang gadget ni Vera Cruz.

Pero tumanggi ang biktima kaya tinutukan ito ng patalim ng suspek at binantaang papatayin saka inumpisahang bugbugin hanggang tuluyang makuha ang pakay na smartphone at kasama rin sa tinangay ang power bank nito.

Umeskapo ang suspek pero humingi ng saklolo sa kanilang barangay ang biktima kaya naaresto rin si Reyes at nabawi ang smartphone pero hindi na narekober ang power bank nito.

Nasa kustodiya ngayon ng Malabon Police Station ang suspek na nahaharap sa mga kasong robbery, threat at physical injury.
Nabatid na may live-in partner ang suspek pero wala itong hanapbuhay.