Kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos ireklamo ng kapitbahay ng kasong pagnanakaw makaraang makitang nanunungkit ng kanyang sinampay kamakalawa nang gabi sa Marikina City.
Nakilala ang suspek na si Edward Decimo y Elica, 27, dating construction worker at taga-Barangay San Roque, Marikina City matapos ipakulong sa kasong theft ng kapitbahay na si Rey Armea y Caranez, 37, welder.
Ayon sa salaysay ng biktima, naganap ang pagnanakaw bandang alas-10:20 Huwebes ng gabi nang makita niya mismo ang suspek na sinusungkit ang kanyang sinampay na RRJ denim short pants.
Agad na sinita ang suspek na todo-tanggi pa sa ginawang pamimitas ng sampay na kung saan ay buking na siya ng may-ari at hindi pa rin umaamin nang dalhin sa barangay.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Marikina detention cell at nahaharap sa kasong theft.