Patay ang isang basurero matapos barilin ng tatlong beses sa ulo nang nakaalitan na kapitbahay habang nakaupo sa hagdanan kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Namatay noon din ang biktimang si Rogelio Tomelden, 29, ng Building 20, Temporary Housing, Aroma Compound, Tondo, habang mabilis na nakatakas ang suspek na si Rommel Bayarcal, 25, na residente rin ng nasabing lugar, na tinutugis na ng mga awtoridad.

Sa imbestigasyon ng Manila Police District-homicide section, naganap ang insidente alas-otso ng gabi.

Bago ang krimen ay nagkaroon umano ng pagtatalo ang biktima at suspek sa labas ng barong-barong ni Bayarcal.

Upang hindi na umano lumaki ang gulo, minabuti na lang ni Tomelden na pumasok sa loob ng kanilang bahay.

Gayunman, ilang minuto lamang ang nakalipas ay nakarinig na ng tatlong putok ng baril ang mga kapitbahay at dito nakita ang nakahandusay at duguang biktima. (Juliet de Loza-Cudia)