Kapwa-tawad sa ngayon!

Nakangiting pinalaya ng gobyerno ang mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon — dalawang lider ng Communist Party of the Philippines (CPP), kalakip­ ang pag-asang matuldukan ang ilang dekadang ­pagsusulong sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng rebeldeng komunista.

Ngayong ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kalayaan ng mag-asawang lider ng communist party, maging ilan pang kasamahang nakulong at itinuturong promotor sa magkakahiwalay na pag-atake sa government forces, hindi naman kalabisan sa panig ng gobyerno na hingin ang kooperasyon at tulong upang magkaroon ng katuparan ang peace accord.

Ang pagpapalaya sa mag-asawang Tiamzon, alinsunod sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) nilagdaan noong 1995 sa pagitan ng government peace panel at National Democratic Front (NDF).

Kabilang ang mag-asawang Tiamzon sa 17 NDF consultants pinakawalan ng pamahalaan, batay sa kautusan ni Duterte para ipakita kung gaano kaseryoso ang kanyang administrasyon na maisakatuparan ang peace accord, nawa’y ganito rin ang gawin ng rebeldeng komunista.

Bagama’t nauwi sa “laban-bawi” ang naunang deklarasyon ng unilateral ceasefire ni Duterte dahil sa hindi pagkakaunawaan at isinisi sa rebeldeng komunista ang pagiging “mapagmataas”, ngayo’y balik sa lamesa ang dalawang kampo — handang mag-usap at pakinggan ang bawat suhestyon para sa tunay na kapayapaan.

Sa isang interview, mismong si Wilma Tiamzon ang nanawagan sa mga kabataan na mas bigyang pansin o pagtuunan ng oras ang mga “monster” sa pamahalaan, hindi lamang aniya ang bagong rebolusyon sa modernong teknolohiya, katulad ang paglalaro ng “Pokemon Go”.

Hindi biro ang usapin sa insureksyon; maraming buhay ang nagbubuwis; bilyun-bilyong piso ang nauubos sa bala, hindi lamang sa panig ng gobyerno kundi sa hanay ng rebeldeng grupo — ito ang dapat maintindihan ng mga Pilipino, mapa-senior citizen o nalipasan ng panahon dahil sa giyera bagkus ng mga kabataang walang inaatupag kundi ang maglaro ng bagong games sa phone.

Masakit sa panig ng Armed Forces of the ­Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang hakbang ni Duterte lalo pa’t hindi mabilang ang mga tauhang nalagas sa bakbakan, kaliwa’t kanang pana­nambang at pag-atake sa kanilang kampo.

Sa panig ng CPP-NPA, ganito rin ang kanilang pakiramdam — hindi rin mabilang ang mga na-recruit sa napatay ng government troops; merong alegasyong tinorture; inabuso at kung anu-ano pang propaganda ng “pulahan” tuwing magra-rally sa Mendiola o kaya’y iniimprinta sa mga polyitos na ipinamumudmod sa kanayunan.

Anuman ang pinagdaanan ng rebeldeng grupo at government troops sa mahabang panahon, isa lang ang dapat gawin ngayon — tanggapin ang katotohanang “kapwa-tawad” sa kanilang aksyon dahil mas mahalaga ang buhay at interes ng mas nakakaraming Pilipino.

Tanging panalangin lamang ng publiko, nawa’y hindi panandalian ito. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

(Twitter: follow@dspyrey)