Karagdagang tren ng MRT-3 next week pa papasada

MRT
Target ng pamunuan ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3) na makapaglagay ng karagdagang tren simula sa susunod na linggo.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Railways TJ Batan, sinimulan na nila ang pag-i-install ng mga biniling spare part para sa mga tren.
Ang mga biniling piyesa ay mula sa Pink Armored Corporation, Linkers Enterprises at Nika Trading.
Sinabi ni Batan na magpapatuloy pa ang pagdating ng mga biniling spare part hanggang sa buwan ng Marso.
“This past few weeks, nag-average tayo ng walong tumatakbong tren, and this coming week ay inaasahan natin na at least may dagdag ng isang set ng tatlong bagon, so siyam na tren ‘yung inaasahan natin na paparating,” wika ni Batan.
Dagdag pa ni Batan na sisikapin nila na makumpuni at mapatakbo ang lahat ng mga nasi­rang bagon ng tren para magamit sa operasyon.
“Kung hindi talaga uubra ‘yung mga in-or­der natin sa China ay wala tayong magagawa kundi ibalik ‘yan,” ayon pa kay Batan.