Karahasan sa mga bata, babae lumobo

Nasa mahigit 1,400 kaso ng karahasan sa mga bata at kababaihan ang naitala ng Philippine National Police (PNP) sa panahon ng lockdown dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon sa datos ng PNP na ipinresenta ng Philippine Commission on Women sa Kamara, nakapagtala ang pulisya ng 1,425 kaso ng gender-based violence sa buong bansa.

Karamihan sa mga naitalang kaso ay pambubugbog na umabot sa 1,184; 122 kaso ng panggagahasa; at 90 kasong acts of lasciviousness o iba pang uri ng pambabastos.

Pinakamarami ang nai-report na karahasan sa mga babae sa Region 7 o Central Visayas na umabot sa 407, 122 naman sa Region 6 o Western Visayas, 113 sa Region 4-A o Calabarzon, 112 sa Region 13 o Caraga, habang 104 naman ang naitala sa Metro Manila.

Hindi pa malinaw kung mas mataas ang kaso ng karahasan sa panahon ng quarantine period subalit nakikita ng PCW na posibleng mas mataas umano ang numero dahil may iba pang nagpasaklolo sa mga NGO, barangays, Women and Children Protection Units, Social Welfare and Development Officers, at iba pang services agencies.

Sa PCW lang, pinakarami umano ang nagsumbong sa kanila ng pisikal at mental na pang-aabuso ng intimate partner, ganoon din sa panggagahasa at iba pang sexual harrassment.

Sa mga nais magreport, maaaring tumawag sa 117 hotline ng PNP.