Patay ang isang tricycle driver habang apat pa ang sugatan na pawang sakay ng dalawang tricycle nang magkarambola ang tatlong sasakyan sa Tondo, Manila kamakalawa ng gabi.

Agad naman nasawi ang biktimang si Roy Gomez, 29, sanhi nang sugat na tinamo sa ulo at sa iba’t ibang bahagi ng katawan matapos na ma­damay nang magbanggaan ang isang sports utility vehicle (SUV) at isa pang pampasaherong tricycle.

May apat pang su­gatan na pawang sakay ng dalawang tricycle kung saan ay kabilang ang isang bata ngunit di pa batid ang pangalan ng mga ito na pawang isinugod sa Chinese General Hospital at Jose Reyes Memorial Medical Center sanhi ng mga tinamong pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Kusa namang sumuko sa mga awtoridad si Leon Suanco, 75, driver ng SUV na Suzuki Vitarra na may plakang WLH-905 na umaming siya ang nakabangga sa dalawa pang tricycle matapos umanong mawalan ng preno ang minamaneho niyang sasakyan.

Sa imbestigasyon ng Manila Traffic Bureau, alas-nuwebe ng gabi nang maganap ang karambola sa Solis Street kanto ng Jose Abad Santos sa Tondo.

Nawalan umano ng preno ang minamanehong SUV ni Suanco na nagresulta upang mabangga niya ang isa sa mga tricycle na nakahinto sa intersection.

Dahil sa lakas ng impact na pagkakabangga ay nadamay sa banggaan ang isa pang tricycle na kasunod nito at minamaneho naman ng nasa­wing biktima matapos na maurungan ng SUV.

Nagkawasak-wasak ang tricycle dahil sa tindi ng pagkabangga dito at napuruhan ang ulo ni Gomez na agad nitong ikinasawi.

Ayon naman sa kapitan ng barangay na si Robert Giliberte, mahigpit na ipinagbabawal ang pagdaan ng mga sasak­yan sa Jose Abad Santos ngunit marami pa rin ang lumalabag dito.