Karamihan PO1, PO2 200 pulis na nag-AWOL sa QC sinuspende, sinibak

Umabot sa kabuuang 200 pulis sa Quezon City ang sinuspende ­habang 10 naman ang tuluyang sinibak sa serbisyo dahil sa absence without ­official leave (AWOL).

Ayon kay Quezon City Police ­District (QCPD) director Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., may ranggong PO1 at PO2 ang karamihan sa mga sinuspende at sinibak niyang tauhan dahil sa madalas na hindi pagpasok sa kanilang trabaho nang walang paalam.

Aniya, mayroon pa silang isinasa­ilalim sa disciplinary action at masusing imbestigasyon dahil sa pagiging bulakbol sa trabaho.

Isa sa nakikitang dahilan ni ­Esquivel na madalas na pagliban sa trabaho ng ilan niyang tauhan ay ang maliit na suweldo at dami ng kanilang pinagkakautangan.

Dahil dito ay mahigpit na ipinatutupad sa QCPD ang polisiya na tuwing nagpapatupad ng inspeksiyon ay dapat dala ng mga pulis ang kanilang ATM card dahil na rin sa ilang impormasyon na isinasanla ito.

Sa ngayon aniya ay patuloy ang ginagawa nilang internal cleansing at masusing mino-monitor ang bawat galaw ng kanyang mga tauhan upang maiwasan ang pagpatong, pagpasok sa iligal na aktibidad, pagbebenta ng kaso at pagre-recycle ng nasasabat na droga.