Masyadong mainit ang isyu sa inilunsad na giyera kontra ilegal na droga ng administrasyong Duterte na nagiging madugo na sa ngayon, kaya naman napapanahon ang pagkakapanalo ng ating kababayang atletang si Mary Joy Tabal sa 2017 Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Nasungkit ni Mary Joy ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa 2017 SEA Games.

Si Tabal na isang 2016 Olympian at nagsanay pa sa Tuscany, Italy ay nauna nang nagwagi ng silver medal noong 2015 SEA Games sa Singapore.

Maliban sa nasungkit na gintong medalya ni Mary Joy ay may ilang medalyang pilak at tanso na ring nakakamit ang ilang miyembro ng Philippine Team.

Hangad natin ang tagumpay ng iba pa nating kababayang atleta na sasabak pa sa iba’t ibang larangan ng palakasan sa SEA Games.

Umaasa rin tayo na magsilbing instrumento ang iniuwing karangalan ni Mary Joy sa bansa para magkaisa tayong lahat at makamit ang inaasam na kapayapaan.

Isa rin itong magandang pagkakataon para maipaalala sa gobyerno na dapat ay inaalagaan ang kapakanan at buhay ng mga kabataan dahil katulad ni Mary Joy malamang ay marami pa tayong kababayan ang may potensyal na mangibabaw sa iba’t ibang larangan.

Kaya dapat ay pinoprotektahan ang mga ito at hindi maging collateral damage lalo na sa giyera kontra ilegal na droga ng pamahalaan na katulad ng sinapit ng 17-anyos na si Kian Lloyd delos Santos na walang awang pinatay sa illegal drugs operation ng ilang elemento ng ating kapulisan.