Binanatan ulit ni Pangulong Rod­rigo Duterte ang Cebuanong negos­yante at pinaghihinalaang drug lord na si Peter Lim.

Sa kanyang talumpati sa 1st Natio­nal Assembly ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas na ginanap sa SMX Convention Center sa Pasay City noong Lunes, sinabi ng Pangulo na ginagawa lamang pang-cover ng mayayaman na katulad ni Peter Lim ang negosyo nito sa karaoke bar.

“Iyang mga mayaman, ‘yang sila Peter Lim, ano man ‘yang cover nila? ‘Yung mga karaoke-karaoke. First time vice mayor pa ako napunta ako diyan sa mga karaoke nila,” sabi ng Pangulo.

Hanggang ngayon ay pinagha­hanap pa rin ng mga awtoridad si Lim matapos na maglabas ng warrant of arrest laban sa kanya ang Makati Regional Trial Court dahil sa kinakaharap na kasong may kinalaman sa illegal drug trade.
Ikinuwento ng Pangulo nang maki­pagkita umano sa kanya si Lim.

“Nakipagkita siya sa akin kasi gusto niyang mag-explain. Sabi niya, ‘Mayor, hindi ko magawa. May mga anak ako.’ Nakikinig lang ako,” anang Pangulo.

Sinabi ni Pangulong Duterte na kung may warrant of arrest na noon laban kay Lim ay binaril na niya ito.

“Eh wala pa kasing kaso noon na may warrant eh. Kay kung noon ‘yung panahon na ‘yon may warrant na siya, pagkatapos ng interview barilin ko na siya doon sa hagdanan. Wala na tayong istorya-istorya. Bakit pa ako mag-istor­ya?” dagdag pa ng Pangulo.