Hindi pa napa-finalize ang desisyon sa pagpapaliban sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) election na dapat ay magaganap sa Oktubre 31 ngayong taon pero tila namumuro na ito dahil sa suporta ng Kongreso at mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte bukod pa sa ipinatigil na ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-iimprenta ng balota para sa nasabing halalan.
Ang isa pang magandang pangyayaring maaring maganap sa gagawing pagpapaliban sa barangay at SK elections ay ang pagpapasa ng probisyon ng Kongreso na magbibigay kapangyarihan kay Pangulong Duterte na magtalaga o mag-appoint ng uupo munang mga barangay official kasabay ng pagtatapos ng kanilang termino.
Layon ng pagbibigay kapangyarihan kay Pangulong Digong na magtalaga ng mga barangay official ay upang mawala sa eksena ang mga opisyales ng barangay na sangkot sa operasyon ng iligal na droga.
Saludo tayo sa planong ito ng Kongreso. Makakatulong ng malaki ang pagtatalaga na lamang ni Pangulong Duterte ng mga barangay official para higit pang mapagtagumpayan ang kampanya laban sa iligal na droga.
Batid naman nating malawak na talaga ang apektado ng iligal na droga sa bansa at sa katunayan maraming barangay ang sangkot sa operasyon ng bawal na gamot ang halos karamihan sa mga opisyales ng barangay kaya tama lamang na mapalitan ang mga ito upang matigil na rin ang kanilang kalokohan.
Pero kasabay ng pagbibigay kapangyarihan sa Pangulo na makapagluklok ng mga uupo munang barangay officials ay umaasa tayong magamit ng Pangulo ang lawak ng kanyang intelligence upang ang karapat-dapat na barangay officials ang maitalaga.