Dear Sir:

Nanawagan ang Commission on Human Rights (CHR) sa gobyerno na pagtibayin at bigyang ha­laga ang karapatang pantao ng mga Pilipino laban sa idineklarang Martial Law sa Mindanao. ­

Ayon kay Chito Gascon, bilang Commander-in-chief ng AFP palalawigin ni Duterte ang kanyang kapangyarihan upang pala­ganapin ang rebelyon.

Ang pagpapatupad umano nito ay magiging dahilan ng pagbaha ng pag-abuso sa karapatang pantao ma­ging sa kapangyarihan ng militar at kapulisan.

Puro pagkundena na naman ang pinapairal ng CHR ngunit kapag sundalo at pulis na nakipagsagupaan sa mga armado o ‘di kaya ay mga sibilyang walang kamuang-muang ang namamatay, nananahimik sila.

Bakit ang mga Muslim leaders ay nagkaisa at suportado ang Martial Law? Simple lang, dahil sila ang nakakakita at nakakaramdam ng tunay na bigat ng problema at dagok sa buhay dala ng mga terorista.

Nais nila ng kapayapaan at nakita nila itong daan upang makamit ang katahimikan.

Bakit hindi kaya subukan ng mga nag-ra-rally na pumunta sa Marawi at doon mag-rally?

Tutal naman d’yan sila magaling, ang makisawsaw?

Nandoon ang kaguluhan, nandoon ang Martial Law kaya doon na sila mag-rally.

Mark R. Talledo
Cebu

***

Dear Sir:

Kumalat ngayon ang isang meme ni dating Commission on Human Rights Etta Rosales. Hindi umano makatwiran para sa Maute ang airstrikes.

Wala umanong kalaban-­laban ang mga ito at dapat pa rin aniya itrato sila ng may i­ngat at dignidad. Mara­ming nagalit sa post na ito sa social media. Todo tanggi naman itong si Ms. Rosales at peke umano ang lit­rato.

Kung sabagay uulanin talaga ng batikos ang post na ito, sino ba naman ang matutuwa sa ganitong klasing pag-iisip? Kaawan ba naman ang mga kalaban?

Mamamatay po ta­yong lahat niyan kapag ganyan. Hindi na rin nakakagulat kung tunay man niya itong pahayag, dahil sa obserbasyon ng mara­ming Pilipino, tuwing may mga rebeldeng namamatay, kusang loob na nag-iingay at nakikigulo ang CHR.

Bagay na hindi nila ginagawa tuwing may alagad ng batas o sibilyan na namamatay.

Kaya dapat palitan na ang pangalan nito na Commission on Rebel Rights dahil rebelde lang ang tunay na may karapatan para sa kanila.

Jamaica Rey
Compostella Valley