Karen humingi ng tawad kay Pacquiao

NI: RONA RONDA

Personal na humingi ng tawad ang broadcaster ng ABS-CBN na si Karen Davila kay Senador Manny Pacquiao sa programang Headstart sa ANC. Hinggil ito sa kontrobersyal na tanungan na nangyari noong February 20, 2019.

Tinanong noon ni Karen kung dapat bang may college degree ang mga senador at presidente. Sumang-ayon naman si Manny dito at sinabi ni Karen na baka hindi siya maging qualify kung sakali.

Iginiit naman ni Senator Manny na nag-aaral pa rin daw siya. Dahil dito ay higit pang inusisa ng broadcaster kung saang paaralan at kung nakuha na ba ang degree niya.

Kaya naman humingi ng tawad si Karen dahil sa nangyaring misunderstanding. Matapos kasi ang kontrobersyal na panayam ay inulan ng batikos ang broadcaster dahil sa pagiging unprofessional at bastos umano nitong pakikipag-usap sa Senador.

Paghingi naman niya ng tawad, “I want you to know po, Senator, that it was never my intention as an interviewer and as a journalist.”

Nagpasalamat naman si Senador Manny sa paglilinaw ni Karen ng isyu. Pag-amin ng Senador, “On that time, na nagkaroon ng issue ng ganun, deep in my heart, I have no, I am not hurt of that question that you asked me.”

Hindi naman umano siya nasaktan dahil mayroon siyang personal na dahilan kung bakit hindi masabing nag-aaral siya.

Ani Pacquiao, “That time, hindi ko puwedeng i-announce ang school na pinapasukan ko baka sabihin nila, ‘Ah nagyabang na naman ito.’”

Bukod sa pagbubukas ng nakaraan, pinag-usapan din nila ang tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN. Maging ang Senador ay pabor na mabigyan ng provisional authority ang ABS-CBN na muling magbukas kahit wala pa itong prangkisa.