Isang matandang babae ang patay habang 14 katao ang sugatan kabilang ang tatlong bata nang magsalpukan ang kanilang sinasakyang pampasaherong jeep at isang motorsiklong nagkakarerahan sa Caloocan City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang nasawing si Constacia Cacal, 78-anyos, ng Barangay Tugatog, Malabon City na nasawi dahil sa malalang pinsala sa ulo habang sugatan naman sina Cyrus Aquino, 2 taong gulang, Wilver Adrian Roldan, 5 taong gulang, Janella Maine Cudisal, 11-anyos, Gean Cudisal, 26-anyos, Olga Mariaga, 27-anyos, Annie Marie Castro, 55-anyos, Arlyn Roldan, 43-anyos, Novelyn Balisacan, 33-anyos, Aileen Darjuan, 23-anyos, Christine Damerin, 43-anyos, Ronie Boy Aquino, 23-anyos, Jeffrey Alintin, 21-anyos, Sherwin Antonio, 21-anyos at driver ng sinasakyan nilang jeep na si Boyet Lucero.
Sa ulat ni PO2 Chester Racelis ng Caloocan City Police Traffic Division alas-4:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Araneta Avenue ng nasabing lungsod, nagkakarerahan umano noon ang pampasaherong jeep at isang unit ng motorsiklong Yamaha na may plakang 2897 UJ na minananeho ng isang hindi pa nakikilalang lalaki na tumakas matapos ang insidente nang mangyari ang aksidente.
Sa ngayon ay patuloy na pinaghahanap ang driver ng motorsiklo na katulad ni Lucero ay mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries at damaged to properties.