Nakakagulat ang pagkahumaling ng mga babae kay Ian Veneracion. Patunay nang pagkahumaling ng kababaihan, lalo ng mga may asawa at matandang dalaga nang mag-guest si Ian sa Petmalu concert ni LA Santos sa Music Museum.
Sigawan, hiyawan at palakpakan ang sumalubong kay Ian nang biglang lumabas on stage sa concert ni LA Santos.
Ganoon na ganoon din ang reaksiyon ng mga follower at fan ni Richard Yap noon sa actor. Pero ngayon ay tila nabaling na kay Ian ang karisma ni Mr. Yap dahil talagang hinintay ng mga kababaihan ang actor hanggang matapos ang concert ni LA para lang magpakuha.
Maging kami ay nagulat na magaling din palang kumanta si Ian. Hindi namin akalain na bukod sa magaling kumanta ay magaling din maggitara ng actor.
Tamang-tama ang pag-guest ni Ian sa concert ng binansagang Pop Idol na si LA dahil sigurado na bibili rin ang mga ito ng ticket sa nalalapit na concert niya sa Resorts World Manila on May 13, entitled ‘Ian in 3 Acts’.
Masayang-masaya si LA, lalo na ang producer na si Joed Serrano sa outcome ng #Petmalu concert.
“Well, at least hindi ako nagkamali. LA is a promising personality. ‘Di biro ginawa niyang pagsabay sa mga guest niya and the confidence onstage ay magaling. We now need a hit song and that is ‘Tinamaan’.
“Next move is to do an album tour. Campus and mall tour while isu-shoot ang movie na introducing siya at ang title ay ‘yung song niya,” say ng producer na si Joed Serrano. (Gerry Ocampo)