Karneng baboy na positibo sa ASF sisiyasatin ng QC dad

abante-tonite-pork-meat

Iimbestigahan ng isang Quezon City councilor kung paano umano nakalusot ang karne ng baboy na nag-positibo umano sa African swine fever (ASF) na ibinebenta sa isang supermarket sa QC at nagpositibo sa naturang virus nitong nakalipas na Dis­yembre 2019.

Ayon kay 5th District Councilor Allan Butch Francisco, nais nitong malaman kung paano nakalusot ang mga naturang karne ng baboy na hinihinalang may ASF at naibenta pa sa supermarket nitong nakalipas na holiday season.

Magugunitang pinagpapaliwa­nag ng Department of Agriculture ang National Meat Inspection Service (NMIS) matapos na may matuklasang karneng baboy na ibinebenta sa isang supermarket sa Quezon City na nagpositibo umano sa ASF.

Sinabi ni Francisco, ang City Veterinary Office ng Quezon City ang nakadiskubre sa ASF-infected meat sa isang supermarket sa QC nitong nagdaaan taon.

Nabatid pa sa ulat na kumuha ang mga awtoridad ng QC Veterinary Office ng sample ng karne mula sa lahat ng chiller ng nasabing supermarket at ang karne mula sa isa sa mga chiller ang nagpostibo sa virus matapos ipasuri.

Kinumpirma rin ng Bureau of Animal Industry na nagpositibo nga sa ASF ang karne ng baboy.