Karneng may virus mula China, ipinuslit sa Subic

Kinumpiska ng mga awtoridad ang nasa P.6 milyong halaga ng mga kontaminado na produktong karne na dumating sa Subic Port matapos mapag-alamang mula umano ito sa Guangzhou China, isa sa mga bansang apektado ng African Swine Fever (ASF) virus.

Nabatid na nakapasok sa bansa ang mga nasabing karne lulan ng refrigerated van ng barkong MV Hansa Altenburg noong May 27, 2019 na unang idineklara bilang mga food items na nagkakahalaga ng P591,817.90.

Ayon kay Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman and Administrator Atty. Wilma Eisma, ang naturang mga karne ay kinumpiska ng pinagsanib na puwersa ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs at kaagad umano itong sisirain alinsunod sa rekomendasyon ng Bureau of Quarantine Services.

“The Port of Subic has been on the lookout for pork products after the government called for strict monitoring in all ports to prevent the entry into the country of pork products contaminated with ASF,” ayon pa kay Eisma.

Matatandaang ipinag-utos ng Food and Drug Administration (FDA) kamakailan ang pagbawi sa pamilihan ng mga imported na meat products sa mga bansang apektado ng ASF virus.(Jojo Perez)