Karumal-dumal na krimen mahirap ibaon sa limot

new-edison-reyes-tugis

Mahirap para sa mga magulang na namatayan ng dalagang anak na ibaon na lamang sa limot ang karumal-dumal na pagpaslang lalo na’t nagsisimula pa lamang na lasapin ng biktima ang resulta ng pagtatapos ng kanyang pag-aaral.

Sino mang magulang na tumayo sa kalagayan ng mag-asawang Rolly at Lita Feliciano na nagsikap na mapalaki nang maayos at mapagtapos ng pag-aaral sa bantog na unibersidad ang anak ay tiyak na mangungulila pa rin sa pagkawala ng dalaga kahit pa nga lumipas na ang mga taon lalo na’t sa brutal na pamamaraan isinakatuparan ang pagpatay.

Maaaring sa mata ng batas ay nakamit na ng mag-asawa ang katarungan sa pagpaslang at panghahalay sa kanilang anak na si Claudine­ Mabel Feliciano matapos madakip at mahatulan ang mga salarin subalit marami rin ang nagtatanong kung sapat ba ang naging hatol bilang kabayaran sa buhay ng dalaga na kanilang pinaslang?

Nang magtapos ang 21-anyos na si Claudine na kilala sa bansag ng kanyang mga kaibigan bilang Mabel sa Dela Salle University College of St. Benilde sa kursong Liberal Arts Major in Human Resource Management, panibagong buhay ang kanyang tinahak sa basbas na rin ng kanyang mga magulang na labis ang tiwala sa kanyang kakayahan at kabutihan bilang anak.

Hindi rin naging hadlang kay Mabel ang kanyang kaabalahan sa pagtatrabaho upang malimutan na ang nakagawiang paglilibang sa piling ng kanyang mga kaibigan sa tuwing magkakaroon sila ng pagkakataon minsan isang linggo upang mag-bonding.

Tiwala naman ang mga magulang ni Mabel sa pagbibigay-laya sa kanilang anak lalo na’t batid nilang bukod sa napakabait ay responsable ang dalaga at pinipili rin niya ang kanyang mga pinakikisamahang kaibigan na pawang hindi magdudulot ng masamang impluwensiya.

Noong Marso 11, 2001, sa kauna-unahang pagkakataon ay nabalisa ang mag-asawang Rolly at Lita Feliciano nang hindi umuwi sa kanilang tirahan sa Ferrari Drive, Camella Homes, Sucat, Parañaque City si Mabel nang mag-paalam itong aalis noong Sabado nang gabi, Marso 10, kasama ang kaibigang si Myra Katrina Dacanay na isa sa matalik niyang kaibigan at kaklase sa high school.

Dala ni Mabel ang kanyang itim na kotseng Mazda 323 na may plakang URN-855 nang magkita sila ni Myra matapos magkasundo na habulin ang last full show sa isang sinehan sa Alabang Town Center.

Gayunman, nabigo ang dalawa na makahabol pa sa last full show kaya’t ipinasiya na lamang na mag-snak sa Cinnzeo sa Alabang Town Center at napagkasunduang tawagan ang isa pa nilang matagal ng kaibigan na si Tara Katrina Golez na kaagad din namang nakarating sa lugar.