NI: ARCHIE LIAO

Nagdaos ng ikawalong anibersaryo bilang magdyowa sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla noong Mayo.

Sa isang panayam, inamin ng dalawa na meron na silang naiisip na dream wedding at kasama na rito ang listahan ng kanilang mga abay at mga panauhin.

Ayon pa sa showbiz couple, gusto nilang idaos ang kanilang pag-iisang dibdib sa isang beach.

Tinanong din ng isang faney si DJ kung kailan nila balak magpatali sa isa’t-isa.

Ani Daniel: “Siguro, mga four years or five years from now.”

” So…that’s 2024? OMG, we can’t wait for a KathNiel engagement announcement + wedding!” sey ng faney.

Sa virtual interview sa online show na I Feel U, ikinuwento ng dalawa kung paano sila unang nagkakilala sa noontime show na It’s Showtime.

Kuwento ni Kath, ipinakilala raw sila sa isa’t-isa habang ikina-cast sa teen show na Growing Up.

Kinumpirma rin ni Daniel na pagkakita pa lang kay Kathryn ay nagka-crush na siya rito at dumaan din sa proseso ang kanyang panliligaw sa dalaga bago sila naging magnobyo.

Aminado rin ang dalawa na may pagkakataon na nag-aaway sila noon, napagod sa kanilang relasyon at muntik nang magkahiwalay.

Pero dahil sa pagtanggap at pagyakap sa kahinaan ng isa’t-isa, nalampasan daw nila ang matinding pagsubok sa kanilang relasyon.