Kasambahay for export

spy-on-the-job-newbox rey marfil

Ibinalita mga tsong kamakailan ng isang opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) na posibleng kumuha raw ang China ng libu-libong Pinoy na Household Service Worker, ang pinagandang tawag sa mga Domestic Helper, o dito sa ating bansa ay mas kilala sa tawag na mga kasambahay.

Hindi malaman ng ating kurimaw kung matutuwa ba siya o malulungkot sa naturang balita lalo pa’t posible raw na umabot sa P50,000 bawat buwan ang magiging sahod ng mga kasambahay sa China. Aba’y nakakalaki nga naman ng peso sign sa mata ang naturang halaga kumpara sa sahod ng kasambahay dito sa Pilipinas na masuwerte na kung umabot sa P5,000.

Ayon sa opisyal, gusto raw ng mga Tsino ang mga Pinoy na kasambahay dahil bukod sa maayos at malinis magtrabaho, madali pa silang makaunawa dahil ang iba ay may napag-aralan at mahusay daw ma­ging sa pag-aalaga ng mga bata.

Sa isang artikulo na nabasa natin, hindi raw bilib ang mga Tsino sa mga kababayan nilang galing sa mga malalayong probinsya na kinukuhang kasambahay. Bukod sa wala raw napag-aralan, hindi pa mahusay mangalaga sa bahay at maging sa bata at mahilig pang dumura sa sahig, na ugali naman ng marami sa kanila.

Hindi madaling makakuha ng kontrata at trabaho ang mga dayuhan sa China, lalo na ang mga Pinoy mula nang magsampa ang Pilipinas ng arbitration case sa UN Tribunal dahil sa pag-angkin nila sa mga bahaging sakop ng ating teritoryo. Ngunit ngayon daw na unti-unti nang gumaganda ang ugnayan ng dalawang bansa, nakikitang mas mapagbibigyan na ang mga manggagawang Pinoy na makapagtrabaho sa China.

Dahil sa paghihigpit, sinasabing nasa 200,000 ang mga Pinoy na ilegal na nagtatrabaho ngayon sa China. At marami sa naturang bilang ay mga kasambahay o nagtatrabaho sa mga industriya. Kung sabagay, kahit naman yata saang panig ng mundo, lalo na sa Middle East, eh napakarami nating kababayan na nagsisilbi bilang mga kasambahay.

Isa pang usapin na hindi maiiwasang itanong sa planong pagkuha ng China ng mga Pinoy HSW ay kung magiging kapalit ba nito ang patuloy na pag-iwas ng pamahalaan na ungkatin ang arbitration ru­ling sa West Philippine Sea na pabor sa Pilipinas? At papaano kung sumama uli ang relasyon ng dalawang bansa? Ano ang magiging reaksyon ng mga karaniwang manggagawang Tsino kapag nalaman nila na mas malaki ang sahod sa kanila ng mga dayuhang manggagawa tulad ng mga Pinoy?

Pero anuman ang mangyari, dapat saluduhan at palakpakan ang mga OFW na nagsasakripisyo na iwan ang mga pamilya sa Pilipinas at makipagsapalaran sa ibang bansa.

At habang patuloy na ‘ini-export’ natin ang ating mga kababayan sa abroad, dapat lalong paigtingin ang mga programang titiyak sa kanilang kaligtasan at mapangalagaan ang kanilang karapatan kahit nasa ibang bansa.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)