Kasambahay ni-rape ng sikyo

Kasambahay ni-rape ng sikyo

Kulungan ang bagsak ng isang security guard matapos gahasain ang 19-anyos na kasambahay sa isang subdivision sa Marikina City habang kasagsagan ng malakas na ulan noong Sabado nang madaling-araw.

Batay sa nakalap na report mula sa Marikina Police Station-Special OpeĀ­rations Unit and Intelligence Unit na pinamumunuan ni Capt. Jervies Soriano, nakilala ang suspek na si Eustino Maure Jr., 61-anyos.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nagtungo sa Police Community Precinct 8 ang isang Imelda Gentolia, residente ng isang subdivision sa Brgy.
Concepcion Dos, kasama ang hindi na pinangalanang biktima para magsampa ng reklamo laban sa suspek.

Nabatid na narinig umano ng biktima na may nagbubukas ng pintuan sa kusina ng pinaglilingkuran niyang bahay kaya tiningnan niya ito at doon nakita ang papasok na suspek.

Agad umano siyang sinabunutan ng suspek saka hinila papasok sa kuwarto at doon ginahasa.

Base sa salaysay ng biktima, palagi siyang binabastos ng suspek kapag dumadaan siya sa gate ng subdivision at marahil ay alam umano nito na wala ang kanyang amo at nag-iisa lang siya sa bahay kaya sinamantala ang pagkakataon.

Itinanggi naman ng suspek ang akusasyon laban sa kanya pero ikinulong pa rin siya batay sa reklamo ng biktima at nahaharap ngayon sa kasong rape. (Vick Aquino)