Kasaysayan ng mga babaeng pinagputol-putol ang katawan ng dahil sa panibugho

By EDISON REYES

Bago nangyari ang mga pinakahuling mga pagpatay sa mga babaeng pinagpuputol-putol ang bahagi ng katawan, pinukaw na ang atensiyon, hindi lang ng sambayanan kundi ma­ging sa industriya ng pelikula ang kagimbal-gimbal na pagpatay kay Lucila Tolentino Lalu na naging tanyag bilang orihinal na “Chop-Chop Lady” noong taong 1967.

Noong mga panahong iyon, halos hindi pa nakakarinig at nakakabasa ng balita ang mga mamamayan ng ganitong uri ng karumal-dumal na krimen kaya’t halos araw-araw, mula nang mangyari ang pagpaslang, ay tumatambad sa pangunahing balita ng mga pahayagan, radyo at telebisyon ang kaso ng pagpatay kay Lucila Lalu.

Sa katunayan, dalawang pelikula sa buhay, pag-ibig at kamatayan ni Lucila Lalu ang naisa-pelikula na kung saan ang isa ay pinagbidahan pa ni Kris Aquino habang si Lorna Tolentino naman ang gumanap sa ikalawang pelikula.

Sa ngayon ay hindi batid ng marami, lalo na ng kabataan, kung ano ang nangyari sa mga babaeng tulad nina Lucila Lalu, Elsa Castillo, Rowena Cobalina Kuo, Mitzi Joy Balunsay ang at pinakahuli ay ang 26-anyos na Chinese lesbian na si Wang Yalei na pawang pinaslang at pinagputol-putol ang katawan na hinihinalang bunsod ng matin­ding panibugho.

Mula sa pagkakaroon ng tipikal na pamumuhay sa kanilang lalawigan sa Candaba, Pampanga, lumuwas ng Maynila si Lucila upang tumulad sa iba pa niyang mga kababayan na sumubok makipagsapalaran sa lungsod, bitbit ang pag-asang magkakaroon ng higit na magandang buhay.

Namasukan muna bilang isang waitress sa isang maliit na bar sa Sta Cruz, Manila si Lucila at mula dito ay nakaipon siya ng sapat na salapi at dahil sa sariling abilidad, nakapagtayo siya ng isang beauty salon sa Mayhaligue Street, ang Lucy’s House of Beauty at sumunod ang Pagoda Cocktail Lounge and Night Club sa Rizal Avenue.

Sa naturang night club nakilala ni Lucila ang regular nilang customer na si Patrolman Aniano De Vera na naging masugid niyang manliligaw at kalaunan ay bumihag na rin sa kanyang puso sa kabila ng pagkakaroon nito ng sariling pamilya. Nagsama bilang mag-asawa sina De Vera at Lucila na nagbunga rin ng pagkakaroon nila ng isang anak.

Hindi naman naging hadlang sa 28-anyos na si Lucila ang pagkakaroon ng isang anak upang pala­guin pa ang kanyang mga negosyo at manatiling buhay ang puso sa tawag ng panibagong pag-ibig.

Kabilang sa mga naging karelasyon ni Lucila ang 19-anyos na waiter ng kanyang Pagoda restaurant and night club na si Florante Relos na kanya pang iniuupa ng bahay na matutuluyan sa Cubao, Quezon City na nagsilbi rin bilang kanilang pugad ng pagmamahalan.

Sa ulat ng pulisya, may isa pang opisyal ng isang kompanya ng paglilimbag ang nagkaroon ng kaugnayan kay Lucila bagama’t sa pagsisiyasat ay lumabas na malayong may kinalaman ito sa pagpatay sa biktima.

Ang pinakahuling naiulat na naging karelas­yon ng biktima ay si Jose Luis Santiano na anak ng isang retiradong opisyal ng Philippine Consta­bulary na bagama’t may asawa na at limang anak ay nabighani pa rin sa taglay na alindog ni Lucila.