Mayo ng taong 1967 nang maglaho na lamang bigla si Lucila at kahit anino niya ay hindi na nakita ng kanyang mga kaanak, kaibigan at mga kawani sa kanyang mga negosyo bagama’t hindi nila ito ikinabahala ng lubusan sa pag-aakalang nagliwaliw lamang sa piling ng kanyang bagong pag-ibig.
Nagulantang na lamang ang marami nang mapabalita ang pagkakatagpo ng mga basurero sa dalawang hita at binti ng tao na pinagputol-putol sa apat na bahagi, ibinalot sa isang pahayagan na may petsang Mayo 14 at itinapon sa Malabon Street, na ilang dipa lamang ang layo sa Pagoda Restaurant and Night Club sa Rizal Avenue na pag-aari ni Lucila.
Naghinala ang pulisya na hindi basta ordinaryong babae lamang ang biktima dahil sa maayos at malinis na mga kuko nito sa paa at posibleng inimbak muna sa freezer bago itinapon dahil malamig pa nang matagpuan.
Kasunod nito ang pagkakatagpo sa katawang walang ulo sa kahabaan ng EDSA sa Guadalupe Bridge sakop ng Makati na nakabalot din sa isang pahayagan na may petsa namang Mayo 23 at dito na nakilala ang biktima bilang si Lucila Lalu, batay sa nakuhang fingerprint sa magkabilang kamay na tumugma sa fingerprint niya nang kumuha siya ng police clearance bago mamasukan bilang waitress.
Dito na nagsimulang magsagawa ng malalimang imbestigasyon ang mga tauhan ng Manila Police Department (MPD) sa pangunguna ni Capt.
Peregrino Javier at pag-TUGIS sa pinaghihinalaang salarin hanggang dakpin nila si Florante Relos matapos matuklasan na tinapos na ni Lucila ang kanilang relasyon bagama’t hindi lubos na napatunayan na siya ang salarin.
Sumunod na isinailalim sa imbestigasyon si Patrolman De Vera dahil na rin sa madalas nilang pag-aaway bunga ng panibugho at napaulat na nagpapaputok pa ng kanyang baril sa beauty parlor at restaurant na pag-aari ng biktima dahil sa matinding selos bagama’t sa kalaunan ay hindi rin napatunayan na may kinalaman siya sa krimen.
Hunyo 15, 1967 nang kusang sumuko si Santiano sa headquarters ng MPD dahil aniya ay nakonsensiya siya sa kanyang ginawa at inamin ang pagpatay kay Lucila na umano ay matindi ang pagnanasa sa kanya.
Sa kanyang testimonya, sinabi ni Santiano na nakahiga siya sa isang bakanteng silid sa beauty parlor kung saan siya nanunuluyan nang pasukin siya ni Lucila, tinukso at ninais siyang makaniig.
Nang tumanggi aniya siya, pinagbantaan aniya siya ni Lucila na gagawa ng eskandalo na naging dahilan upang magdilim na ang kanyang paningin at ang tanging naalala niya ay sinasakal na niya ang biktima hanggang sa tuluyang mawalan ng hininga.
Itinapon aniya niya ang mga pinagputol-putol na katawan ni Lucila sa iba’t ibang lugar habang nakuha sa kanyang tinutulugang silid sa mezzanine floor ng beauty parlor ang martilyo na may bahid pa ng dugo, razor blade at patalim, bukod sa natuyong dugo sa ilalim ng kama kung saan inimbak pansamantala ang putol-putol na katawan bago itinapon ang mga ito.
Attachments area