Matapos maberipika, sinamahan ng dalawang NBI agent si Demetrio sa bahay ng magulang ni Elsa sa Blumentritt at isinama ang dalawang kapatid ng biktima na sina Amelia Villadiego at Elida Santos upang kilalanin ang bangkay ni Elsa na nakalagak na sa Lim De Mesa Funeral Parlor sa Sta. Rosa.
Umaga ng Setyembre 28, 1993 nang dakpin ng mga ahente ng NBI si Stephen sa parking lot ng Apex Motor Corporation at dito pa lamang ay napuna na ni Atty. Sacaguing ang panginginig ng laman dahil sa nerbiyos ng banyaga. Nakuha rin ng NBI ang dami at iba pang personal na gamit ni Elsa na itinapon ni Stephen sa iba’t ibang lugar habang patungo sila sa Bataan makaraang ituro rin ni Demetrio.
Nakakuha rin ng search warrant ang NBI upang mapasok ang silid ng condominium ni Stephen at dito nila nakuha ang ilang hibla ng buhok ni Elsa sa banyo at kobre-kama, pati na ang duguang sapatos at bakas ng dugo sa ilalim ng kama.
Sa ginawang paglilitis sa sala ni Judge Ricardo Molina ng Branch 152 ng Pasig Regional Trial Court (RTC), iginiit na muli ni Stephen na namatay sa bangungot si Elsa na kinatigan pa ng kanyang abogado na isa ring doktor, habang ang bakas ng dugo sa kanyang silid ay buhat umano sa regla ng kanyang hipag. Nagprisinta pa si Stephen sa korte ng liham ng pagbabanta na galing aniya sa asawa ni Elsa na si Fred.
Hindi naman ito kinagat ng hukuman lalu na’t may sariling medico-legal ang gobyerno na nagpatunay na hindi bangungot kundi mga saksak sa katawan ang ikinamatay ng biktima habang ang mga hibla ng buhok na nakita sa banyo at kobre-kama ng akusado ay mula sa biktima.
Hindi rin naging matibay ang iprinisintang liham umano ni Fred dahil hindi naman kay Elsa nakatuon ang pagbabanta at napatunayan pa ng hukuman na bago ang pagpatay sa biktima, nagkasundo at nagkabalikan na ang mag-asawa na posibleng naging ugat ng panibugho ni Stephen.
Dahil sa matitibay na ebidensiya at testimonya ng mga testigo, partikular ang pahayag ni Demetrio, hinatulan ng Pasig RTC ang akusado ng pagkakakulong ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkakabilanggo at pinagbabayad pa ng kabuuang P4,250,000.00 bilang moral at exemplary damages, ginugol sa funeral services at attorneys’ fees.
Umapela naman sa Korte Suprema si Stephen sa paniwalang nagkamali ang Mababang Hukuman sa pagbaba ng hatol at iginiit ang pagiging inosente niya sa krimen.
Gayunman, noong Nobyembre 14 2001, kinatigan ng Korte Suprema sa pangunguna ni Justice Ynares Santiago ang hatol ng Pasig RTC na nagpapataw ng parusang reclusion perpetua laban kay Stephen habang ibinaba sa P2,000,000.00 ang moral at exemplary damages na babayaran ni Stephen sa pamilya ng biktima, bukod pa sa P50,000 actual damages P50,000 sa civil indemnity at P150,000 bilang attorneys’ fees.