Kasaysayan ng mga babaeng pinagputol-putol ang katawan ng dahil sa panibugho

new-edison-reyes-tugis

Karamihan sa mga nangyayaring pagpatay sa karima-rimarim na pamamaraan sa mga kababaihan ay bunsod ng matinding panibugho ng salarin na nagiging daan ng paghihimagsik ng kalooban, pagkulo ng dugo sa tindi ng galit kaalinsabay ng pagka­bahala, pamimighati at kalungkutan na nagi­ging daan upang tuluyang mawala na sa sariling katinuan.

Sa oras na dumating na sa ganitong sitwasyon ang sinumang inaalipuntahan ng matinding pa­nibugho, hindi malayong magpasiklab ito sa apoy ng matinding galit at gumawa ng marahas na hakbang na sa tingin nila ay nararapat para sa mga taksil na babaeng pinag-ukulan nila ng ­wagas na pagmamahal.

Ganito rin ang damdaming lumulukob sa mga taong nagiging biktima ng tatsulok na pag-ibig lalu na’t sa bibig mismo ng mga taong inaakala nilang umalipusta sa kanila sa larangan ng pag-ibig manggagaling ang katotohanang naagaw na sa kanya ang pinag-ukulan ng labis na pagmamahal.

Sa anong paraan nga ba maituturing na karumal-dumal o karima-rimarim ang nangyaya­ring pagpatay na dulot ng matinding panibugho?
Kung ang pagbabatayan ay ang mga nangyari nang krimen na nag-ugat sa matinding panibugho, masasabing ang mga pagpatay sa mga babaeng pinagpuputol-putol pa ang bahagi ng katawan ang pinakasukdulan at maaaring maituring na wala na sa sariling katinuan ang mga gumagawa nito.

Kung noon ay labis na gumigimbal sa sambayanan ang ganitong uri ng pamamaslang sa kababaihan at halos araw-araw ay matutungha­yan sa unang pahina ng mga pahayagan at na­giging pangunahing balita sa radyo at telebisyon, hindi na ganito ang pagtingin ng nakararami sa ngayon.

Nagiging madali na rin sa hanay ng kapulisan ang pag-TUGIS sa mga taong may kagagawan ng pagpatay dahil na rin sa modernong teknolohiya tulad ng closed-circuit television (CCTV) camera na nakapagbibigay ng patnubay upang matunton ang may kagagawan.
Bukod pa rito ang masigasig na pagtulong na ipinagkakaloob ng mga testigo, kabilang rito ang mga security personnel, na ngayon ay katuwang na rin ng mga awtoridad sa pakikibaka laban sa krimen at itinuturing ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) bilang mga force multipliers.

Sa dami na rin ng mga babaeng nagiging biktima ng “chop-chop” o pagputol-putol sa mga bahagi ng katawan ng mga nagiging biktima, hindi na rin nagtatagal ang pagsubaybay sa balita hinggil dito ng publiko lalu na’t madali ring nalulutas ng kapulisan ang kaso at nahuhuli kaagad ang salarin.

Sa katunayan, sa Makati City lamang ay nakapagtala na ng dalawang uri ng pagpatay sa ­babaeng pinagputol-putol ang katawan na ang una ay nangyari noong Pebrero 22 ng taong 2016 at pinakahuli ang naganap nito lamang Nobyembre 22 ng kasalukuyang taon sa isang condo­minium unit sa Barangay Bel Air.