Kaso ng 13 ‘ninja cop’ pinaiimbestigahan muli ni Albayalde

Kaso ng 13 ‘ninja cop’ pinaiimbestigahan muli ni Albayalde

Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) chief General Oscar Albayalde ang muling pagbubukas ng imbestigasyon sa kaso ng 13 na pulis na inakusahang nag-recycle ng mahigit sa 160 kilo ng shabu at kumita ng mahigit P60 milyon sa isinagawang drug bust sa Pampanga noong 2013.

Ayon kay Albayalde, inutusan na niya ang Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) na siyang manguna sa pag-review ng administrative cases ng 13 ninja cops na pinamumunuan ni Major Rodney Baloyo.

Ang kautusan ni Albayalde ay unang hakbang na ginawa niya laban sa grupo ni Baloyo mula nang isagawa ang Senate hearing sa naganap na Pampanga drug raid noong 2013 laban sa umano’y mga “ninja cop”.

Si retired general at ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang siyang nagbunyag ng anomalya laban sa grupo ni Baloyo at sinabing noong Nobyembre 29, 2013 ay nakakumpiska ang mga ito ng tinatayang 200 kilong shabu sa isang drug raid sa Pampanga subalit idineklara lang na 38 kilo ang kanilang nakumpiska.

Bukod dito ay nakakuha pa umano ang mga ito ng P10 milyon cash sa hinuling si Johnson Lee dagdag pa ang P50 milyon cash kapalit ng kalayaan ng suspek na si Lee at ipalit ang isang Chinese national bilang suspek. Si Albayalde noon ang Provincial Director ng Pampanga.

“No stone will be left unturned and there will be no sacred cows in this investigation,” pahayag ni Albayalde. (Edwin Balasa)