Kaso ng COVID-19 sa Pinas, 462 na

Nasa 462 na ang bilang mga taong kumpirmadong dinapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa matapos na makapagtala ng 82 bagong kaso ng virus hanggang nitong alas -4:00 ng hapon kahapon.

Ayon kay Health spokeperson at Usec Ma. Rosario Vergeire, binigyan ng patient ID number na PH381-PH462.

Habang ang bilang ng mga binawian ng buhay dahil sa karamdaman ay nadagdagan rin ng walo at umabot na sa 33, mula sa dating 25 lamang kamakalawa.

Nabatid na kabilang sa mga nalagutan ng hininga ay pawang mga lalaking Pinoy na kinabibilangan nina PH281, 57 anyos mula sa Mandaluyong City; PH266, 76 anyos, mula sa Quezon City; PH279, 73-anyos, mula sa San Juan City; PH304, 89 anyos mula sa Bulacan; PH328, 74-anyos mula sa Quezon City; PH333, 65-anyos mula sa Quezon City; PH367, 78- anyos mula sa ParaƱaque City at PH349, 56-anyos na mula sa ParaƱaque City.

Ang mga bagong pasyente ay pawang walang travel history pero mayroon nang mga dating karamdaman nang tamaan ng COVID-19, gaya ng diabetes, hypertension at iba pa, kaya’t nagkaroon ng kumplikasyon na nagdulot ng kanilang kamatayan.

Samantala, ang magandang balita naman, maging ang bilang ng mga nakarekober sa sakit ay tumaas rin at umabot na sa 18.

Pinakahuling naitalang gumaling sa COVID-19 ay si PH73 na isang 54 anyos na Pinoy mula sa Maynila, na isa umanong hypertensive.

May travel history siya sa Thailand at nakitaan ng sintomas ng sakit noong Marso 6.

Nabatid na noong Marso 13 nang ma-confine siya sa pagamutan at Marso 21 nang ma-discharged sa ospital matapos na magnegatibo na sa karamdaman.

Samantala, patuloy namang nagpapaalala ang DOH sa publiko na maging maingat upang hindi mahawa ng virus at manatili na lamang sa kani-kanilang tahanan at tiyaking malakas at malinis ang pangangatawan.(Juliet de Loza-Cudia)